Install this theme
Nang Hindi Makapagpiko Si Ronda (Kuwentong Pambata) | 02:52

 

Mahilig maglaro si Ronda

Marami na siyang laruang nakolekta

At dahil Biyernes na

Bukas makakapaglaro na naman siya

 

Gusto sana niyang laruin ang train set niya

Bigay ito ni Mama nung birthday niya

Kaya lang may isang problema

Magulong nakatambak ito sa kuwarto nila

 

“Ate Tanya, laro tayo bukas ha?”

Ang sabi ni Ronda sa ate niya

“Anong gusto mong laruin, Ronda?”

Ang tanong sa kaniya ni Ate Tanya

  

“Mmmm…piko tayo, puwede ba?”

Ang tanong ni Ronda

Inalis na niya sa isip niya

Ang nakatambak na train set niya

 

“Eh tagu-taguan, ayaw mo ba?”

Tanong ng ate ni Ronda

“Piko na lang, Ate Tanya”

Sagot naman ni Ronda

 

“Eh langit lupa, ayaw mo ba?”

Tanong ulit kay Ronda

“Hmmm…piko na lang kasi, Ate Tanya”

Sagot ulit ni Ronda

 

“Eh yung train set mo, ayaw mo ba?”

Tanong ni Ate Tanya

“Magulo pa eh, piko na lang, Ate Tanya”

Sabi na naman ni Ronda

 

“Oo naman, malakas ka sa’kin, Ronda!”

Sagot ni Ate Tanya

“Pero ngayon, tulugan na!”

At pinatay ni Ate Tanya ang ilaw nila

 

Papikit-pikit na si Ronda

Binale-wala ang mga mungkahi ng ate niya

Nagpipiko na siya sa isipan niya

Hanggang sa siya’y nakatulog na

 

Kinaumagahan, paggising ni Ronda

Malakas ang buhos ng ulan sa bubong nila

Naluluha na si Ronda

Dahil di sila makakapagpiko ng ate niya

 

“Wag kang mag-alala,” bulong ni Ate Tanya

“Isip tayo ng ibang magagawa.”

At yinakap niya si Ronda

Habang kumikidlat sa labas ng bahay nila

 

“Alam ko na!” sigaw ni Ate Tanya

“Gawa tayo ng mga bangka!”

Napakunot ng noo ang kapatid niya

“Bangkang papel, Ronda!”

 

“Hindi ako marunong, Ate Tanya”

“Kaya’t tuturuan kita!”

At dali-dali ang dalawa

Na humanap ng papel sa kuwarto nila

 

Iba’t ibang kulog ang madarama

Pero saya lang ang nasa puso ng dalawa

Magkakarerahan sila

Gamit ang mga bangkang papel nila

 

Papatila na ang ulan nang matapos sila

“Ang ganda ng bangka ko, Ate Tanya”

Masayang sigaw ni Ronda

Ngumiti naman si Ate Tanya, “Sige, halika na!”

 

Umalis na ang ulan pag labas nila

Nang malakas na hangin ang bumulaga

At tinangay ang mga bangka nila

Kaya’t naluha na naman si Ronda

 

“Wag kang mag-alala,” bulong ni Ate Tanya

“Isip tayo ng ibang magagawa.”

At yinakap niya si Ronda

Habang humahangin sa labas ng bahay nila

 

“Alam ko na!” sigaw ni Ate Tanya

“Buto’t balat umilipad, Ronda!”

Napakunot ng noo ang kapatid niya

“Gawa tayo ng saranggola!”

 

“Hindi ako marunong, Ate Tanya”

“Kaya’t tuturuan kita!”

At dali-dali ang dalawa

Na humanap ng materyales sa kuwarto nila

 

Iba’t ibang huni ng hangin ang dinig nila

Pero saya lang ang nasa puso nila

Magpapataasan ng lipad ang dalawa

Gamit ang mga saranggola nila

 

Tuyo na ang damuhan nang matapos sila

“Ang ganda ng saranggola ko, Ate Tanya”

Masayang sigaw ni Ronda

Ngumiti naman si Ate Tanya, “Sige, halika na!”

 

Umalis na pala ang hangin pag labas nila

Unti-unting umambon sa paligid nila

Hangga’t tuloy-tuloy na naman ang ulan sa bahay nila

Kaya’t naluha na naman si Ronda

 

“Wag kang mag-alala,” bulong ni Ate Tanya

“Isip tayo ng ibang magagawa.”

At yinakap niya si Ronda

Habang kumikidlat sa labas ng bahay nila

 

“Alam ko na!” sigaw ni Ate Tanya

“Maglinis tayong dalawa!”

Napakunot ng noo ang kapatid niya

“Ang train set mo, Ronda!”

 

“Hindi ko kaya mag-isa, Ate Tanya”

“Kaya’t tutulungan kita!”

At dali-dali ang dalawa

Na pumunta sa kuwarto nila

 

Iba’t ibang kulog ang madarama

Pero saya lang ang nasa puso ni Ronda

Malalaro na niya ang train set niya

Buti na lang may Ate Tanya siya

 

Papatila na ang ulan nang matapos sila

“Salamat po, Ate Tanya”

Masayang sigaw ni Ronda

Ngumiti naman si Ate Tanya, “Sige, halika na!”

 

Maglalaro na sana sila

Nang tawagin sila ni Papa

“Tama na muna yan, kain na!”

Sigaw ni Papa mula sa kusina

 

Masayang inubos ni Ronda ang pagkain niya

Pagtapos nito, sa pagtulog ay naghanda na siya

At dahil Sabado pa lang pala

Bukas makakapaglaro pa rin siya

 

Nakahiga na si Ronda sa kaniyang kama

Nag-aayos na ng unan at kumot niya

Ipipikit na niya ang kaniyang mga mata

Nang tanungin siya ni Ate Tanya

 

“Anong lalaruin natin bukas, Ronda?”

“Hmmm, sana puwede nang piko!” Sagot ni Ronda

“Pano kung umulan?” Tanong ni Ate Tanya

“Bangkang papel!” Sagot niya

 

“Pano kung malakas ang hangin?” Tanong ng ate niya

“Saranggola!” Sagot ni Ronda

Ipinikit na ni Ronda ang mga mata

Nang mayron siyang maalala

 

Hindi sila nakapagpiko ng ate niya

Pero paggawa ng bangkang papel ay natutunan niya

Marunong na siyang gumawa ng saranggola

At malinis na rin ang train set sa kuwarto nila

 

Tumayo’t lumapit sa ate si Ronda

“Ate, salamat sa paglinis ng train set ko ha?”

“At sa pagturo kung pano gumawa ng saranggola”

“At bangkang papel din pala!”

 

“Syempre, malakas ka sa’kin, Ronda!”

Yinakap ni Ronda si Ate Tanya

At sinabi sa kaniya “Pero ngayon, tulugan na!”

At pinatay ni Ronda ang ilaw nila

 

rondevera | 15JAN2011