Install this theme
Jackpot | 01:52



dinumog ang katahimikan ng bawat sandali

sinantabi ang gaspang ng pagbabakasakali

upang hamunin ang bango’t liwanag ng pangalan

at hasain ang tatag ng dunong at kakayahan



nakisiksik sa bawat sulok ng mayamang diwa

hinimay ang makulimlim na mga alaala

upang maabot itong mailap na pagsang-ayon

at lubusan nang yapusin ang pait ng kahapon



bukod sa’king puso’y sinakop mo din ang isipan

lagpas pa sa pag-ibig ang inambag mong samahan

kaya nama’y ngumingiti na ang bawat umaga

kung harapin ang gabi, di lamang tapang ang dala



huhusay na dahil sa’yo, ang hugis ng ulirat

pati na rin pagkatao, sa bukas kong pagmulat



rondevera | 09JAN2011